Salvo Of Praise

Ang Ebanghelyo Sa Araw-araw
English          Filipino



Abril 2010
      Lin        Lun        Mar        Miy        Huw        Biy        Sab
                                                                        1             2             3
      4             5                6             7               8             9            10
     11           12             13           14              15           16           17
      18           19             20           21             22           23          24  

            25           26             27           28            29           30                       

Enero Pebrero Marso
AbrilMayo Hunyo 

Hulyo Agosto Setyrmbre Oktubre Nobyembre Disyembre

Abril 1
Huwebes


Unang Pagbasa: Ex: 12:1-4
Psalm Response: Ps: 31:2-25; Heb: 4:14-5:9
Gospel: Jn 13:1-15
'Bisperas na ng Paskuwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo'y ipinakita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila. Naghapunan si Jesus at ang mga alagad. Naisilid na ng diyablo sa isip ni Judas, anak ni Simon Iscariote, ang pagkakanulo kay Jesus. Alam ni Jesus na ibinigay na sa kanya ng Ama ang buong kapangyarihan; alam din niyang siya's mula sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya't nang sila'y naghahapunan, tumindig si Jesus, naghubad ng kanyang panlabas na kasuutan, at nagbigkis ng tuwalya. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. 'Panginoon,' sabi niya. 'diyata't kayo pa ang maghuhugas ng aking mga paa?' Sumagot si Jesus, 'Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.' Sinabi sa kanya ni Pedro, 'Hinding-hindi ko po pahuhugasan sa inyo ang akingmga paa.' 'Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin,' tugon ni Jesus. Kaya't sinabi ni Pedro, 'Panginoon, hindi lamang p0 ang mga paa ko, kundi pati aking kamay at ulo! Ani Jesus, 'Maliban sa kanyang mga paa, hindi na kailangang hugasan pa ang naligo na, sapagkat malinis na ang kanyang buong katawan. At malinis na kayo, ngunit hindi lahat.' (Sapagkat alam ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya sinabi niyang malinis na sila, ngunit hindi lahat.) Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, siya'y nagsuot ng damit at nagbalik sa hapag. 'Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?' tanong niya sa kanila. 'Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga. Kung akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito'ydapat ninyong tularan.
Abril 2
Biyernes
Biyernes Santo

►Unang Pagbasa: Is 52:13–53:12
►Ikalawang Pagbasa: Heb 4:14–16; 5:7–9
►Ebanghelyo: Jn 18:1–19:42
Pagkasabi ni Jesus ng lahat ng ito, lumabas siya kasama ang kanyang mga alagad sa kabilang ibayo ng sapa ng Kedron. May bukid doon at pumasok siya roon at ng kanyang mga alagad. Alam din ni Judas na nagkakanulo sa kanya ang lugar dahil doon malimit magtagpo si Jesus at ang kanyang mga alagad. Kaya isinama ni Judas ang tropa ng mga sundalo at mga bantay ng Templo mula sa mga punong-pari at mga Pariseo, at nagpunta sila roon na may mga sulo, ilawan at armas.Alam ni Jesus ang lahat ng sasapitin niya kaya lumabas siya at sinabi sa kanila: “Sino’ng hinaharap ninyo?’ Sumagot sila sa kanya: “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sinabi niya sa kanila: “Ako siya!” Naroon ding kasama nila si Judas na nagkanulo sa kanya. At nang sabihin ni Jesus sa kanilang “Ako siya!” napaurong sila at nabuwal sa lupa. Kaya muli niya silang tinanong: “Sino’ng hinahanap ninyo?” Sinabi naman nila: “Si Jesus na taga-Nazaret.” At sumagot si Jesus: “sinabi ko sa inyong ako siya. Kaya kung ako ang hinahanap ninyo, pabayaan n’yong makaalis ang mga ito.” Ganito kailangang maganap ang salitang sinabi niya: “Hindi ko iwinala isa man sa mga ibinigay mo sa akin.”May tabak si Simon Pedro, binunot niya ito at tinaga ang utusan ng Punong-pari at tinagpas ang kanang tenga nito. Malko ang pangalan ng utusan. Kaya sinabi ni Jesus kay Pedro: “Ibalik mo ang tabak sa suk-bitan nito. Hindi ko ba iinumin ang kalis na ibinigay sa akin ng Ama?” Kaya dinakip si Jesus ng tropa, ng kapitan at ng mga bantay ng mga Judio, at iginapos siya. At dinala muna nila siya kay Annas na biyenan ni Caifas na siya namang Punong-pari nang taong iyon. Ngayon, si Caifas ang nagpayo sa mga Judio na mas makabubuting isang tao ang mamatay alang-alang sa sambayanan.Sumusunod naman kay Jesus si Simon Pedro at ang isa pang alagad. Dahil kilala ng Punong-pari ang alagad na iyon, nakapasok siyang kasabay ni Jesus sa patyo ng Punong-pari. Nakatayo naman sa labas si Simon Pedro, sa may pintuan. Kaya lumabas ang isa pang alagad na kilala ng Punong-pari at kinausap ang babaeng bantay sa pinto at pinapasok sa loob si Pedro. Kaya sinabi kay Pedro ng dalagitang bantay sa pintuan: “Di ba’t isa ka rin sa mga alagad ng taong ito?” Sumagot siya: “Hindi ako!” Nangakatayo naman ang mga utusan at mga bantay, nagsiga sila at nagpapainit dahil maginaw. Kasama nilang nakatayo rin si Pedro at nagpapainit. Siniyasat si Jesus ng Punong-pari tungkol sa kanyang mga alagad at tungkol sa kanyang turo. Sumagot sa kanya si Jesus: “Lantaran akong nangusap sa mundo. Lagi akong nagtuturo sa sinagoga’t sa Templo na pinagtitipunan ng lahat ng Judio. Wala akong ipinangusap nang palihim. Ba’t ako ang tinatanong n’yo? Ang mga nakarinig sa ipinangusap ko sa kanila ang tanungin n’yo. Siguradong alam nila ang mga sinabi ko.” Sa pagsagot niya nang ganito, sinampal si Jesus ng isa sa mga bantay na nakatayo roon at sinabi: “Ganyan ka ba sumagot sa Punong-pari?” Sinagot siya ni Jesus: “Kung nangusap ako ng masama, patunayan mong masama; kung mabuti naman, bakit mo ako pinagbuhatan ng kamay?” At nakagapos siyang ipinadala ni Annas kay Caifas na Punong-pari. Ngayon, nakatayo naman si Simon Pedro at nagpapainit. Kaya sinabi nila sa kanya: “Di ba’t isa ka rin sa kanyang mga alagad?” Itinatuwa niya iyon at sinabi: “Hindi ako.” Sinabi naman ng isa sa mga utusan ng Punong-pari, na kamag-anak ng tinagpasan ni Pedro ng tenga: “Di ba’t nakita kitang kasama niya sa bukid?” Ngunit muli itong itinatuwa ni Pedro. At biglang tumilaok ang tandang. Mula kay Caifas, dinala si Jesus sa palasyo ng gobernador. Umaga na noon at hindi sila pumasok sa palasyo para makakain ng Hapunang Pampaskuwa, kung hindi’y marurumihan sila ng lugar na iyon. Kaya nilabas sila ni Pilato at tinanong: “Anong sakdal ang dala n’yo laban sa taong ito?” Sumagot sila: “Kung hindi gumagawa ng masama ang taong ito, hindi sana namin siya ipinaubaya sa iyo.” Kaya sinabi sa kanila ni Pilato: “Kunin n’yo siya at kayo ang humukom sa kanya ayon sa inyong batas.” Sinabi naman sa kanya ng mga Judio: “Hindi ipinahihintulot sa amin na humatol ng kamatayan.” Sa gayon magaganap ang salitang sinabi ni Jesus tungkol sa kamatayang ikamamatay niya.Kaya muling pumasok si Pilato sa palasyo, tinawag si Jesus at sinabi sa kanya: “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus: “Mula ba sa ’yo ang salitang ito o may nagsabi sa ’yo tungkol sa akin?” Sumagot si Pilato: “Ako ba’y Judio? Ipinaubaya ka sa akin ng mga kalahi mo at ng mga punong-pari. Ano ba’ng ginawa mo?” Sumagot si Jesus: “Hindi sa mundong ito galing ang pagkahari ko. Kung sa mundong ito galing ang pagkahari ko, makikibaka sana ang mga tauhan ko upang hindi ako maipaubaya sa mga Judio. Ngunit hindi nga dito galing ang pagkahari ko.” Kaya sinabi sa kanya ni Pilato: “Eh di hari ka nga?” Sumagot si Jesus: “Sinasabi mong hari nga ako. Para rito ako isinilang at dahil dito kaya ako dumating sa mundo: upang magpatunay sa katotohanan. Nakikinig sa tinig ko ang bawat makatotohanan.” Sinabi sa kanya ni Pilato: “Ano ang katotohanan?” Pagkasabi nito, lumabas siyang muli sa mga Judio at sinabi sa kanila: “Wala akong matagpuang krimen sa kanya. May kaugalian kayo na pinalalaya ko sa inyo ang isang tao sa araw ng Paskuwa. Kaya gusto n’yo bang palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?” At muli silang nagsigawan: “Hindi siya kundi si Barabbas!” Si Barabbas ay tulisan. Kaya ipinakuha noon ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. Pagkapulupot naman ng mga sundalo ng isang koronang tinik, ipinutong ito sa kanyang ulo at binalabalan siya ng kapang pulang-panghari, at nilapitan siya at sinasabing “Mabuhay ang Hari ng mga Judio.” At pinagsasampal nila siya. Nang muling lumabas si Pilato, sinabi niya sa mga Judio: “Narito’t inilalabas ko siya sa inyo upang malaman n’yong wala akong matagpuang krimen sa kanya.” Kaya lumabas si Jesus, suot ang tinikang korona at ang kapang pulang-panghari. Sinabi sa kanila ni Pilato: “Hayan ang Tao!” Kaya nang makita siya ng mga punong-pari at mga bantay, nagsigawan sila: “Ipako sa krus! Ipako sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato: “Kunin n’yo siya at kayo ang magpako sa krus dahil wala akong matagpuang krimen sa kanya.” Sumagot sa kanya ang mga Judio: “May Batas kami at ayon sa Batas ay dapat siyang mamatay sapagkat ginawa niyang Anak ng Diyos ang kanyang sarili.” Nang marinig ni Pilato ang salitang ito’y lalo siyang natakot. Pumasok siyang muli sa palasyo at tinanong si Jesus: “Tagasaan ka ba?” Wala namang isinagot si Jesus sa kanya. Kaya sinabi sa kanya ni Pilato: “Hindi ka ba makikipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka at may kapang-yarihan ding ipapako ka sa krus?”Sumagot si Jesus: “Wala kang anumang kapangyarihan sa akin kung hindi ito ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya mas mabigat ang kasalanan ng nagpaubaya sa akin sa iyo.” Mula noo’y hinangad ni Pilato na palayain siya. Nagsisisigaw naman ang mga Judio: “Kung palalayain mo siya, hindi ka kaibigan ng Cesar. Nagsasalita laban sa Cesar ang sinumang gumagawang hari sa kanyang sarili!”Nang marinig ni Pilato ang mga salitang ito, ipinadala niya sa labas si Jesus at pinaupo sa luklukan, sa lugar na tinatawag na Lithostrotos, na sa Hebreo’y Gabbatha. Paghahanda noon ng Paskuwa, magtatanghaling-tapat ang oras. Sinabi niya sa mga Judio: “Hayan ang inyong Hari!” Kaya nagsigawan ang mga iyon: “Alisin, alisin, ipako siya sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato: “Ipapako ko ba sa krus ang inyong Hari?” Sumagot ang mga punong-pari: “Wala kaming hari liban sa Cesar.” Kaya noo’y ipinaubaya siya ni Pilato sa kanila upang ipako sa krus. Kinuha nila si Jesus. Siya mismo ang nagpasan ng krus at lumabas tungo sa lugar ng kung tawagi’y Pook ng Bungo, na sa Hebreo’y Golgotha. Doon nila siya ipinako sa krus, at kasama niya ang dalawang iba pa sa magkabila, nasa gitna naman si Jesus. Ipinasulat din ni Pilato ang karatula at ipinalagay sa krus. Nasusulat: Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio. Marami sa mga Judio ang nakabasa sa karatulang ito dahil malapit sa lunsod ang lugar na pinagpakuan sa krus kay Jesus, at nasusulat iyon sa Hebreo, Latin at Griyego. Kaya sinabi kay Pilato ng mga punong-pari ng mga Judio: “Huwag mong isulat ‘ang Hari ng mga Judio’ kundi ‘Ito ang nagsabing “Hari ako ng mga Judio”’.” Sumagot si Pilato: “Ako ang sumulat at nakasulat na.”Nang maipako ng mga sundalo si Jesus sa krus, kinuha nila ang kanyang mga damit at pinaghati sa apat – tig-isang bahagi sa bawat sundalo – at ang tunika. Ngayon, walang tahi ang tunika at hinabi nang buo mula taas. Kaya pinag-usapan nila: “Huwag natin itong punitin kundi pagsapalaranan natin kung mapapakanino.” Gayon kailangang maganap ang Kasulatan: Pinagbaha-bahagi nila sa kani-kanila ang aking mga damit, at pinagpalabunutan ang aking suot. Ito nga ang ginawa ng mga sundalo. Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa Ina at sa alagad na mahal niya na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon, tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan. Pagkaraan nito, alam ni Jesus na ngayo’y natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang Kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan doon na puno ng maasim na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang isang esponghang ibinabad sa alak at idiniit sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo’y ibinigay ang espiritu. Dahil paghahanda noon, ayaw ng mga Judio na mamalagi sa krus ang mga katawan sa Araw ng Pahinga sapagkat dakilang araw ang Araw na iyon ng Pahinga. At ipinakiusap nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at ng isa pang kasama niyang ipinako sa krus. Ngunit pagsapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran, at biglang may umagos na dugo at tubig. Ang nakakita ang nagpapatunay at totoo ang kanyang patunay. At Siya ang nakaaalam na totoo ang sinasabi niya para maniwala kayo.Gayon kailangang maganap ang Kasulatan: Walang babaliin sa kanyang mga buto. At sinasabi ng isa pang Kasulatan: Pagmamasdan nila ang kanilang sinibat. Pagkatapos ay nakiusap kay Pilato si Joseng taga-Arimatea - alagad nga siya ni Jesus pero palihim dahil sa takot sa mga Judio - upang maalis niya ang katawan ni Jesus. At pinahintulutan siya ni Pilato. Kaya pumaroon siya at inalis ang katawan niya. Pumaroon din si Nicodemo, ang pumaroon kay Jesus nang gabi noong una, may dala siyang pinaghalong mira at aloe, na mga sandaan libra. Kaya kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot iyon sa telang linen kasama ang mga pabango, gaya ng kaugalian ng mga Judio sa paglilibing. Ngayon, may hardin sa lugar na pinagpakuan sa kanya at sa hardin nama’y may libingang bago na wala pang nailalagay roon. Kaya dahil Paghahanda ng mga Judio at dahil malapit ang libingan, doon nila inilagay si Jesus.

Abril 4
Linggo


Linggo ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon

►Unang Pagbasa: Gawa 10:34a, 37–43
At nagsalita si Pedro, at sinabi: “Naiintindihan ko na ngayon na talaga ngang walang kinikilingan ang Diyos. Alam ninyo ang mga nangyari sa buong Judea, na nagsimula sa Galilea pagkatapos ng binyag na ipinangaral ni Juan. Hinirang nga ng Diyos si Jesus na taga-Nazaret sa Espiritu Santo at kapangyarihan. Saanman magpunta, siya’y gumagawa ng mabuti at nagpapagaling sa lahat ng nasa kapangyarihan ng diyablo, sapagkat sumasakanya ang Diyos. Saksi kami sa lahat ng kanyang ginawa sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem.
Pinatay nila siya nang ibitin siya sa punongkahoy. Ngunit binuhay siyang muli ng Diyos sa ikatlong araw at ipinakita siya; hindi sa lahat ng tao kundi sa mga saksing hinirang na noong una pa ng Diyos—kami na kumain at uminom na kasalo niya matapos na muli siyang mabuhay. Iniutos niya sa amin na mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya nga ang hinirang ng Diyos na maging hukom ng mga buhay at ng mga patay. Siya ang tinutukoy ng lahat ng propeta nang ipahayag nilang tatanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang Pangalan ang sinumang sumasampalataya sa kanya.

►Slm 118:1–2, 16–17, 22–23
Ito ang araw na ginawa ng Panginoon: Tayo’y magsaya at magalak.

►Ikalawang Pagbasa: Col 3:1–4 (o 1 Cor 5:6b–8)
Kung ibinangon nga kayong kasama ni Kristo, hanapin ninyo ang mga bagay sa itaas; naroon si Kristong nakaluklok sa kanan ng Diyos. Isipin ninyo ang mga mula sa itaas, hindi ang mga makalupa. Namatay kayo, at sa Diyos natatago ang inyong buhay kasama ni Kristo. Sa pagpapakita kay Kristong buhay natin, ipakikita rin kayong kasama niya sa kaluwalhatian.

►Ebanghelyo: Jn 20:1–9
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo kay Pedro ang isa pang alagad, at unang nakarating sa libingan. Pagkayuko niya’y nakita niyang nakalatag ang mga telang linen pero hindi siya pumasok. Dumating namang kasunod niya si Simon Pedro, at pumasok sa libingan. Napansin niya ang mga telang linen na nakalatag, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulo niya ay di kasama sa mga telang linen na nakalatag kundi hiwalay na nakabilot sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at siya’y naniwala. Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan siyang magbangon mula sa mga patay.
Abril 7
Miyerkules
Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay

►Unang Pagbasa: Gawa 3:1–10
►Ebanghelyo: Lc 24:13–35
Dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong mga labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga nangyari. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus at nakisabay sa paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala. Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Tumigil silang mukhang malungkot. Sumagot ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas: “Bakit, mukhang ikaw lang ang kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga nangyari roon nitong mga ilang araw?” Itinanong niya: “Ano?” Sumagot sila: “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong baya’y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita. Ngunit isinakdal siya ng aming mga punong-pari at mga pinuno para mahatulang mamatay at ipinako siya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito. Sa totoo’y ginulat kami ng ilang babaeng kasama namin. Maaga silang pumunta sa libingan pero hindi nila nakita ang kanyang katawan kaya dumating sila at sinabi sa amin na nakakita pa raw sila ng aparisyon ng mga anghel na nagsabi sa kanila na buhay siya. Nagpunta rin sa libingan ang ilan sa amin at natagpuan nga nila ang sinasabi ng mga babae pero hindi nila siya nakita.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Mga hindi makaunawa at mapupurol ang isip para maniwala sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta. Di ba’t kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago pumasok sa kanyang Luwalhati?” At sinimulan niyang ipaliwanag sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises hanggang sa lahat ng Propeta. Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. Pero pinilit nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila. At noo’y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?” Noon di’y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem. Nakita nila roon na magkakasama ang Labing-isa at ang iba nilang kasamahan. Sinabi ng mga iyon sa kanila: “Totoo ngang binuhay ang Panginoon at napakita siya kay Simon.” At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay.
Abril 8
Huwebes
Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay

►Unang Pagbasa: Gawa 3:1–10
►Ebanghelyo: Lc 24:13–35
Dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong mga labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga nangyari. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus at nakisabay sa paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala.Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Tumigil silang mukhang malungkot. Sumagot ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas: “Bakit, mukhang ikaw lang ang kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga nangyari roon nitong mga ilang araw?” Itinanong niya: “Ano?” Sumagot sila: “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong baya’y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita. Ngunit isinakdal siya ng aming mga punong-pari at mga pinuno para mahatulang mamatay at ipinako siya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito. Sa totoo’y ginulat kami ng ilang babaeng kasama namin. Maaga silang pumunta sa libingan pero hindi nila nakita ang kanyang katawan kaya dumating sila at sinabi sa amin na nakakita pa raw sila ng aparisyon ng mga anghel na nagsabi sa kanila na buhay siya. Nagpunta rin sa libingan ang ilan sa amin at natagpuan nga nila ang sinasabi ng mga babae pero hindi nila siya nakita.”Sinabi sa kanila ni Jesus: “Mga hindi makaunawa at mapupurol ang isip para maniwala sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta. Di ba’t kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago pumasok sa kanyang Luwalhati?” At sinimulan niyang ipaliwanag sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises hanggang sa lahat ng Propeta. Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. Pero pinilit nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila. At noo’y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?”Noon di’y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem. Nakita nila roon na magkakasama ang Labing-isa at ang iba nilang kasamahan. Sinabi ng mga iyon sa kanila: “Totoo ngang binuhay ang Panginoon at napakita siya kay Simon.” At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay.

Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay

►Unang Pagbasa: Gawa 3:11–26
►Ebanghelyo: Lc 24:35–48
Isinalaysay naman ng dalawa sa mga alagad ni Jesus ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” (Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.) Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda (at pulot-pukyutan). Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila.Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan—sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.
Abril 9
Biyernes
Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay

►Unang Pagbasa: Gawa 4:1–12
►Ebanghelyo: Jn 21:1–14
Muling ibinunyag ni Jesus ang sarili sa mga alagad sa may Dagat ng Tiberias. Ganito ang kanyang pagbubunyag. Magkasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Natanael na taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa mga alagad niya. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Sinabi nila sa kanya: “Sasama kami sa iyo.” Lumabas sila at sumakay sa bangka nang gabing iyo’y wala silang nahuli. Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. Tinatawag sila ni Jesus: “Mga bata, wala ba kayong isda?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” Kaya sinabi niya sa kanila: “Ihagis n’yo ang lambat sa bandang kanan ng bangka at makakatagpo kayo.” Kaya inihagis nga nila at hindi na nila makayang hilahin iyon dahil sa dami ng isda. Kaya sinabi kay Pedro ng alagad na iyon na mahal ni Jesus: “Ang Panginoon siya!” Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, ibinigkis niya ang [kanyang] damit dahil hubad siya, at saka tumalon sa dagat. Dumating namang sakay ng maliit na bangka ang iba pang mga alagad pagkat hindi sila kalayuan mula sa pampang kundi mga sandaang metro lamang. Hila-hila nila ang lambat ng mga isda. At pagkalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na pinag-iihawan ng isda, at may tinapay. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Magdala kayo mula sa mga isdang nahuli n’yo ngayon.” Kaya sumakay si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng sandaa’t limampu’t tatlong malalaking isda. At kahit na napakarami’y hindi napunit ang lambat. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Walang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: “Sino ba kayo?” dahil alam nilang ang Panginoon iyon. Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin sa isda. Ito ngayon ang ikatlong pagbubunyag ni Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.
Abril 11
Linggo
Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

►Unang Pagbasa: Gawa 5:12–16
Marami nang tanda at kababalaghan ang nagaganap sa bayan sa pamamagitan ng mga kamay ng mga apostol. Nagkaisa ang lahat ng sumasampalataya na magtipon sa Patyo ni Solomon. Wala nang iba pang nangahas sumama sa kanila, kahit na lubos silang pinahahalagahan ng bayan. Pero parami pa rin nang parami ang bilang ng mga lalaki at babae na bumuklod sa Panginoon sa pananampalataya. Kaya inilalabas ang mga maysakit sa mga lansangan, nakahiga sa mga katre at banig, sa pag-asang madaanan sana ng kahit anino man lang ni Pedro ang mga ito. Dumadagsa rin ang mga tao mula sa mga bayang malapit sa Jerusalem, dala ang mga maysakit at ang mga inaalihan ng masasamang espiritu, at lahat sila’y pinagaling.

►Slm 118:2–4, 13–15, 22–24
Magpasalamat kayo sa Panginoon, walang hanggan ang kanyang awa.

►Ikalawang Pagbasa: Pag 1:9–11a, 12–13, 17–19
Ibinigay ito sa kanya ng Diyos para ipaalam sa kanyang mga lingkod ang mga dapat maganap sa madaling panahon. Sinugo niya ang kanyang anghel para ipabatid iyon sa kanyang lingkod na si Juan. Ito ang nagpapahayag na lahat ng nakita niya ay salita ng Diyos at pagpapatotoo ni Jesus, ang Mesiyas – Mapalad ang gumagawa ng pagbasa at ang mga nakikinig sa mga makapropetang salitang ito at nagtatanda ng mga nasusulat dito: malapit na nga ang panahon. Binabati ni Juan ang pitong Iglesyang nasa probinsyang Asia: Sumainyo ang kagandahang-loob at kapayapaan buhat sa kanya na Siyang ngayon, noon at darating, buhat sa pitong espiritung nasa harapan ng kanyang trono, at buhat kay Jesus, na Mesiyas, matapat na saksi, panganay ng mga nabangon mula sa mga patay, at namumuno sa mga hari ng sangkalupaan. Sa kanya na umiibig sa atin at humango sa atin sa mga kasalanan sa bisa ng kanyang dugo, at gumawa sa ating maging kaharian at mga pari ng Diyos na Ama niya, – mapasakanya nawa ang kaluwalhatian at kapangyarihan magpakailanman. Amen. Hayan, dumarating siyang nasa ulap at makikita siya ng lahat pati ng mga umulos sa kanya. At mananangis ang mga lahi ng sangkalupaan dahil sa kanya. Oo, Amen. “Ako ang Alpa at ang Omega,” sabi ng Panginoong Diyos na Siyang ngayon, noon at darating – ang May-ari ng lahat. Ipinatapon akong si Juan, na inyong kapatid at kasama sa pag-uusig at sa kaharian at sa pagtitiis dahil kay Jesus. Nasa pulong Patmos ako dahil sa salita ng Diyos at sa pagpapatotoo kay Jesus, nang dalhin ako ng Espiritu sa Araw ng Panginoon. At narinig ko sa likuran ang isang tinig na sinlakas ng isang trumpeta at ang sabi: “Isulat mo sa isang aklat ang iyong nakita at ipadala sa pitong Iglesyang nasa Efeso, sa Esmirna, sa Pergamo, sa Tiatira, sa Sardis, sa Filadelpia at sa Laodikea.” Lumingon ako upang tingnan kung sino ang kausap ko at ito ang nakita ko sa paglingon: may pitong ilawang ginto na sa gitna ay may isang waring anak ng tao na nakadamit ng mahaba at may bigkis na ginto sa dibdib. Simputi ng lana ang kanyang ulo, kagaya ng niyebe ang kanyang buhok at parang liyab ng apoy ang kanyang mga mata, tulad ng nagbabagang tanso ang kanyang mga paa, at umuugong na parang masaganang talon ang kanyang tinig. Nasa kanyang kanang kamay ang pitong bituin at sa bibig niya lumalabas ang matalas na tabak na magkabila’y talim. Nagniningning ang kanyang mukha, parang araw na nasa katindihan ng sikat. Pagkakita sa kanya ay dumapa akong parang patay sa kanyang paanan, ngunit ipinatong niya sa akin ang kanang kamay at sinabi: “Huwag kang matakot. Ako ang Una at ang Huli. Ako ang Nabubuhay. Namatay ako at ngayo’y buhay magpakailanman at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng daigdig sa ilalim. Isulat mo ang nakita mo – ang ngayon at ang darating pa.

►Ebanghelyo: Jn 20:19–31
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Kapayapaan sa inyo!” Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Kapayapaan sa inyo! Kung paanong isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko rin kayo.” At pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin at pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatiliin.” Hindi nila kasama si Tomas na tinaguriang Kambal, na isa sa Labindalawa, nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Sinabi naman niya: “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang tatak ng mga pako at maipasok ang aking daliri sa pinaglagusan ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muling nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna. At sinabi niya: “Kapayapaan sa inyo!” At sinabi niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. At ilapit ang kamay mo at ipasok sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi maniwala!” Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko – ikaw!” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.” Ngayon, marami pang ibang tandang ginawa si Jesus sa harap ng kanyang mga alagad, na hindi naman nasusulat sa kasulatang ito. Isinulat naman ang mga ito upang maniwala kayo na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos. At sa paniniwala ninyo’y magkaroon kayo ng buhay sa bisa ng kanyang Pangalan.

Gospel Song : Manalig ka,
Abril 16
Biyernes
Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

►Unang Pagbasa: Gawa 5:34–42
►Ebanghelyo: Jn 6:1–15
Pagkatapos nito, nagpunta si Jesus sa kabilang ibayo ng dagat ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng makapal na tao dahil napansin nila ang mga tandang ginagawa niya sa mga maysakit. Umahon si Jesus sa bundok at naupo siya roon kasama ang kanyang mga alagad. Malapit na ang Paskuwa na piyesta ng mga Judio. Kaya pagkatunghay ni Jesus at pagkakita niyang marami ang taong pumupunta sa kanya, sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay para makakain ang mga ito?” Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya dahil alam na niya kung ano ang napipinto niyang gawin. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila para makakuha ng tigkakaunti ang bawat isa.” At sinabi naman sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May maliit na bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?” Madamo sa lugar na iyon kaya sinabi ni Jesus: “Paupuin n’yo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila, halos limanlibo ang mga lalaki. Kaya kinuha ni Jesus ang mga tinapay at pagkapagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin naman sa mga isda - gaano man ang gustuhin nila. Nang busog na sila, sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Tipunin ninyo ang natirang mga piraso para walang masayang.” Kaya tinipon nila ang mga tira ng mga pinakain, at labindalawang bakol ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada. Pagkakita sa tandang ginawa ni Jesus, sinabi ng mga tao: “Ito ngang talaga ang Propeta parating sa mundo.” At alam ni Jesus na parating sila upang agawin siya para gawing hari kaya lumigpit siyang muli na siya lamang mag-isa sa bulubundukin.
Abril 18
Linggo
Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

►Unang Pagbasa: Gawa 5:27-32, 40b-41
Dinala nila sila at iniharap sa Sanhedrin, at tinanong sila ng Punong-pari. “Mahigpit namin kayong pinagbawalang magturo ng tungkol sa Pangalan o Pagliligtas na ito, pero pinuno ninyo ang Jerusalem sa inyong aral at hangad ninyo kaming papanagutin sa dugo ng lalaking iyan.”
Sumagot naman si Pedro at ang ibang apostol: “Ang Diyos ang dapat sundin kaysa tao. Binuhay na muli ng Diyos ng ating mga ninuno si Jesus na pinatay ninyo at ibinitin sa poste. Itinaas siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Pinuno at Tagapagligtas upang maipagkaloob sa Israel ang pagbabagong-loob at ang kapatawaran ng mga kasalanan. Saksi kami sa lahat ng ito, pati ang Banal na Espiritu na ibinigay ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”
Tinawag nila ang mga apostol at ipinahagupit at pinagbawalang magsalita sa Ngalan ni Jesus. At saka nila sila pinalaya.Nagagalak silang umalis sa Sanhedrin sapagkat itinuring silang marapat sa kahihiyan alang-alang sa ngalan ni Jesus.
►Slm 30:2, 4, 5–6, 11–12, 13
Ipagbubunyi kita, Panginoon, iniligtas mo ako.
►Ikalawang Pagbasa: Pag 5:11-14
Patuloy akong tumingin at narinig ko ang tinig ng maraming anghel nakapaligid sa trono, sa mga nilalang na buhay at sa matatanda. Laksa-laksa at libu-libo ang kanilang bilang, at sumisigaw sila nang malakas:“Ang korderong pinatay ay karapat-dapat tumanggap ng kapangyarihan at kayamanan, karunungan at lakas, karangalan, kaluwalhatian at pagpupuri.”
At narinig ko ang tinig ng tanang nilalang sa langit, sa lupa at sa ilalim ng lupa: Sa kanya na nakaupo sa trono, at sa Kordero papuri, karangalan, kaluwalhatian at kapangyarihan, magpasawalang-hanggan.At sumagot ng “Amen” ang apat na nilalang na buhay at nagpapatirapa naman at sumasamba ang matatanda.
►Ebanghelyo: Jn 21:1–19 (o Jn 21:1–14)
Muling ibinunyag ni Jesus ang sarili sa mga alagad sa may Dagat ng Tiberias. Ganito ang kanyang pagbubunyag.Magkasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Natanael na taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa mga alagad niya. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Sinabi nila sa kanya: “Sasama kami sa iyo.”
Lumabas sila at sumakay sa bangka nang gabing iyo’y wala silang nahuli. Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. Tinatawag sila ni Jesus: “Mga bata, wala ba kayong isda?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” Kaya sinabi niya sa kanila: “Ihagis n’yo ang lambat sa bandang kanan ng bangka at makakatagpo kayo.” Kaya inihagis nga nila at hindi na nila makayang hilahin iyon dahil sa dami ng isda.
Kaya sinabi kay Pedro ng alagad na iyon na mahal ni Jesus: “Ang Panginoon siya!” Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, ibinigkis niya ang [kanyang] damit dahil hubad siya, at saka tumalon sa dagat. Dumating namang sakay ng maliit na bangka ang iba pang mga alagad pagkat hindi sila kalayuan mula sa pampang kundi mga sandaang metro lamang. Hila-hila nila ang lambat ng mga isda.
At pagkalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na pinag-iihawan ng isda, at may tinapay. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Magdala kayo mula sa mga isdang nahuli n’yo ngayon.” Kaya sumakay si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng sandaa’t limampu’t tatlong malalaking isda. At kahit na napakarami’y hindi napunit ang lambat.Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Walang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: “Sino ba kayo?” dahil alam nilang ang Panginoon iyon. Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin sa isda. Ito ngayon ang ikatlong pagbubunyag ni Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Gregorio / Adalberto

►Unang Pagbasa: Gawa 9:1–20
►Ebanghelyo: Jn 6:52–59
Kaya nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng laman para kainin?” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n’yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw.
“Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking dugo. Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng Amang buhay at buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang ngumunguya sa akin.
“Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman ang ngumunguya ng tinapay na ito.”
Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.
Abril 25
Linggo
Ika-4 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

►Unang Pagbasa: Gawa 13:14, 43-52
Mula naman sa Perge, nagtuloy sila sa Antiokiya ng Pisidia. Sa Araw ng Pahinga, pumasok sila sa sinagoga at nagsiupo. At pagkatapos ng pagtitipon, maraming Judio at mga kumbertido sa Judaismo ang sumunod kina Pablo at Bernabe. Kinausap nila ang mga ito at sinabihang huwag iwala ang kaloob ng Diyos. Nang sumunod na Araw ng Pahinga, halos ang buong lunsod ang nagtipon para makinig kay Pablo na nagsalita nang matagal tungkol sa Panginoon. Nang makita ng mga Judio ang makapal na tao, nagselos ang mga ito at painsultong sinalungat ang mga sinasabi ni Pablo.
At buong-tapang namang sumagot sina Pablo at Bernabe: “Sa inyo muna namin dapat sabihin ang Salita ng Diyos; ngunit dahil tinanggihan ninyo ito at kayo na mismo ang humatol sa inyong sarili na hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang-hanggan, sa mga pagano kami pupunta. Sapagkat ito ang utos sa amin ng Panginoon: Inilagay kitang ilaw sa mga pagano upang ihatid mo ang kaligtasan sa dulo ng daigdig.
Natuwa ang mga di-Judio nang marinig nila ito at pinuri ang aral tungkol sa Panginoon at sumampalataya ang lahat ng nakatalaga sa buhay na walang hanggan. At lumaganap ang Salita ng Panginoon sa buong lupain.
Sinulsulan naman ng mga Judio ang kinikilalang mga babaeng may-takot sa Diyos at ang mga importanteng lalaki sa lunsod para usigin sina Pablo at Bernabe. At pinalayas sila sa lugar na iyon. Kaya ipinagpag naman ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang protesta sa kanila, saka nagpatuloy sa siyudad ng Iconio. At napuspos naman ng galak at ng Espiritu Santo ang mga alagad.

►Slm 100:1–2, 3, 5
Tayo ang kanyang bayan, ang kawang inaalagaan niya.

►Ikalawang Pagbasa: Pag 7:9, 14b-17
Patuloy akong tumingin. May nakita akong di-mabilang na makapal na tao mula sa lahat ng bansa, tribu, bayan at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, na nakadamit ng mahabang puti at may hawak na palaspas.
Sumagot ako. “Ginoo, ikaw ang nakakaalam nito.” At sinabi niya: “Galing sa matinding pag-uusig ang mga ito; naglaba at nagpaputi sila ng kanilang damit sa dugo ng Kordero. Dahil dito kaya sila nasa harap ng trono ng Diyos. Pinaglilingkuran nila siya araw at gabi sa kanyang templo at kukupkupin sila ng nakaupo sa trono.
Hindi na sila magugutom ni mauuhaw, hindi na masusunog sa matinding araw o init. Sapagkat papastulin sila ng korderong nasa gitna ng trono at aakayin sa mga bukal ng nagbibigay-buhay na tubig, at papahirin ng Diyos ang lahat ng luha sa kanilang mga mata.

►Ebanghelyo: Jn 10:27-30
Sinabi ni Jesus: “Dinidinig ng aking mga tupa ang aking tinig at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Buhay magpakailanman ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila kailanman mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa kamay ko. Mas dakila sa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami: ako at ang Ama.”
Copyright © 2010 Praise.weebly.com 
[email protected]